Submitted by admin-r4b on
Oriental Mindoro - Ayon sa natanggap na text message ng NIA MIMAROPA mula sa ating farmer clients sa Bongabong, Oriental Mindoro, wala umanong dumadaloy na tubig sa irrigation canal dahil may nasira sa ilang bahagi nito.
Ito ay kaagad na inaksyunan ni NIA MIMAROPA Acting Regional Manager Ronie Cervantes at Mindoro Oriental-Marinduque-Romblon Irrigation Management Officer (MOMARO IMO) Division Manager Gerardo R. Perez. Kinabukasan ay agad silang nagtungo sa bayan ng Bongabong upang magsagawa ng inspeksyon at alamin ang sitwasyon ng nasabing proyekto. Napag-alaman na ang nabanggit na sira ay bahagi ng Lateral B ng Bongabong River Irrigation System. Ang kaliwang bahagi ng canal na may habang 50m ay bumigay at siyang naka-apekto sa 200 ektaryang sakahan.
Ang pagpapa-ayos ng nasirang kanal ay kaagad na sinimulan kinabukasan upang maibalik ang operasyon ng Lateral B na siyang natapos sa loob lamang ng pitong (7) araw.
Dahil sa mabilisang aksyon ng NIA MIMAROPA, napanumbalik ang operasyon at daloy ng tubig sa Lateral B ng Bongabong River Irrigation System at napatubigan ang sakahang nasasakupan nito.
Ipinahayag ng mga magsasakang benepisyaryo ang kanilang pasasalamat kay NIA Administrator Engr. Eddie G Guillen at sa pamunuan ng NIA MIMAROPA para sa agarang aksyon sa kanilang suliranin.