P29 Kilo ng bigas, hatid ng BBM (Bagong Bayaning Magsasaka) at NIA Tungo sa Bagong Pilipinas

Edsa Diliman, Quezon City - Sa pakikipagkaisa ng mga itinuturing na Bagong Bayaning Magsasaka sa mga programa ng NIA, matagumpay na inilunsad kahapon, Agosto 8, 2024 ang Kadiwa sa Central Office. Ang programang Kadiwa ay isa sa mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang direkta ng maibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga produkto sa mas mura at abot-kayang halaga sa mga konsyumer.

Naging tampok sa nasabing paglulunsad ang pagbebenta ng murang kilo ng bigas sa halagang P29. Ang mga bigas na ito ay mula sa ani ng mga magsasaka sa buong bansa na nakipagkaisa sa NIA Contract Farming Program.

Kabilang ang MIMAROPA Mindoro Oriental-Marinduque-Romblon (MOMARO) Irrigation Management Office (IMO) katuwang ang Sumviltad Irrigators’ Association, Inc. sa nakiisa sa Kadiwa sa NIA kung saan 200 kaban ng bigas at iba’t ibang klase ng gulay at prutas ang naihatid at naipagbili sa mga konsyumer. Umabot sa P298,507.00 ang naging benta ng nakipagkaisang IA sa nasabing programa.

Ang NIA MIMAROPA sa paggabay ni Regional Manager Engr. Ronilio M. Cervantes at sa pamumuno ni MOMARO IMO Acting Division Manager Engr. Maria Victoria O. Malenab ay tapat sa tungkulin ng ahensya na maisulong ang agrikultura at matulungan hindi lamang ang mga magsasaka kun’di pati na rin ang bawat mamamayan sa bansa.