CARP irrigation projects, pinasinayaan sa Palawan

Pinasinayaan ng NIA Region IV-B ang 2 irrigation projects sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program-Agrarian Reform Fund (CARP-ARF) at Agrarian Reform Infrastructure Support Project III (ARISP III) na ginanap noong ika-26 ng Hulyo, 2016 sa Roxas, Palawan. Ito ay ang Abaroan-Bantoto Communal Irrigation Project (ABCIP) na mapapakinabangan ng 36 na magsasaka at Mendoza Communal Irrigation Project (MCIP) na inaasahang mapakinabangan ng 38 na magsasaka mula sa mga bayan ng Roxas.

Nagkakahalagang P4M, ang Abaroan Bantoto CIS ay may kabuuang 80 ektaryang mapapatubigan samantalang ang Mendoza CIP na nagkakahalagang P11M ay may kabuuang 73.30 ektaryang mapapatubigan na siyang maaaring makatulong sa pagpapataas ng produksyon ng mga magsasaka.

Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ni Comprehensive Agrarian Reform Program-Irrigation Component (CARP-IC) Manager Delsy J. Revellame kasama sina NIA IV-B Acting Regional Manager Ramon A. Bugacia, Palawa Irrigation Management Office (IMO) Acting Division Manager Conrado V. Cardenas, Jr., Provincial Agrarian Reform Program Officer I na si Engr. Ricardo S.A. Francisco at Chief Agrarian Reform Program Officer Engr. Rogelio D. Madarcos. Nakiisa rin si Roxas Municipal Mayor Maria Angela V. Sabando. Naroon din ang mga pangulo ng mga Irrigators Association ng Bantoto Irrigators Group (BIG) at Mauranen IA Inc. (MIA).

Matapos ang ribbon cutting para sa 2 proyekto, nagtungo ang grupo sa Mendoza para sa pormal na seremonya ng paglilipat ng pamamahala ng irrigation systems sa mga IA.

Ayon kay CARP-IC Manager Delsy Revellame, siya ay natutuwa na naipatupad ang mga nasabing proyekto ay umaasa siya na makalipas ang isa o dalawang taon ay makikila ang MIA at BIG bilang outstanding IA hindi lang sa probinsya at rehiyon kundi maging sa buong  bansa.

Nagpasalamat rin si Mayor Sabando sa pagkakaroon ng proyekto para sa mga magsasaka gayundin sina Pangunlong Nillasca at Daquer ng BIG at MIA na siyang nangako na pangangalagaan ang mga irrigation systems upang magamit  pa ng susunod na henerasyon.

Hinikayat naman ni Engr. Cardenas ang mga magsasaka na kahit libre ang mga proyekto, kailangan pa ring magkaroon ng taunang bayarin hindi para ibayad sa NIA kundi para lamang sa kanilang asosasyon upang sa pagdaan ng panahon ay may pagkukunan sila ng mga panggastos sa pagmimintina, rehabilitasyon at pasahod ng mga opisyales at ng iba pang mga may katungkulan sa samahan. Ito ay para na rin sa kanilang mga programa para maabot at ma-isulong ang bisyon at misyon.

Nilinaw naman ni Engr. Bugacia na dahil nag-uumpisa pa lamang ang mga asosasyon, kailangang malaman ng mga miyembro at opisyales ang nararapat na pagsasanay sa pamamahala, pagkakaroon ng cropping calendar, sistema ng tamang pagpapadaloy ng tubig at ang kahalagahan ng irrigation service fee (ISF). Kailangan ring magkaroon ng maayos na ugnayan sa pagitan ng IA at LGU. Hinikayat rin niya na magkaroon ng sariling opisina ang dalawang IA upang mas matugunan ang mga isyu at iba pang usapin hinggil sa pamamahala ng samahan at systems.

Matapos ito, inilipat ang pamamahala ng mga proyekto sa dalawang IA sa pamamagitan ng pag-aabot ng ceremonial key at pagpirma sa Certificate of Acceptance.